Imbis na mapasa ang People's Freedom of Information Act, napaasa lang kami.
Naniniwala na kami na may forever, salamat sa inyo—forever na mahahadlangan ang pagsasabatas ng napakahalagang panukalang ito. Hindi pa rin namin maintindihan kung saan nanggagaling ang takot ninyo sa FOI... O baka in denial lang din kami. Alam naman nating kapag walang tinatago, wala ring dapat ikatakot.
Sabi nga ng iba, may tamang panahon. Matagal na 'yang dumating para sa FOI—mula pa noong ibinalik ang demokrasya mula sa diktadurya; mula pa noong nabuo ang Saligang Batas. Ipinangako ng Konstitusyon ang kalayaan sa impormasyon, pero ipinako niyo naman ito. Hindi na dapat tayo naghahanap ng tamang panahon kasi nandiyan na 'yan. Ang dapat na hinahanap namin ay 'yung tamang mga tao; 'yung hindi sarili ang iniisip at hindi kami iiwanan; at 'yung kayang maging bukas at tapat sa amin.
Hanggang sa kahuli-hulihan, hindi kami bumitaw. Maraming nagsabi noon pa na patay na ang FOI. Hindi kami naniwala. Akala namin kaya pa. Pero maraming nasasawi sa maling akala.
Ngayon, panahon na para mag-move on na kami—mag-move on mula sa mga paasang mambabatas at sa mga pangakong napapako. Ang eleksyon ang panahon para maghanap ng bago, ng iba—'yung kapareho namin ng priorities, 'yung alam ang pangarap namin at kaya itong ibigay at ipaglaban katulad ng FOI champions namin.
Paalam, 16th Congress. Hindi pala tayo meant to be.
Patuloy na lalaban,
FOI Youth Initiative (FYI)