05 June 2013

[FYI in Rep. Tañada's Abante Column] Tuloy ang laban para sa FOI



Bagong simula na naman ng Senado at Kongreso para sa mga panawagan ng mga mamamayan patu ngkol sa mga batas na nararapat maipasa upang makatulong sa pagginhawa ng buhay at pag-unlad ng lipunan.

Kasama sa mga ito para sa akin, na marahil alam na alam niyo na, ay ang panawagang maisabatas na ang Freedom of Information (FOI) Bill, isang panukalang naglalayong gawing mas bukas at mas may pananagutan ang pamahalaan at ang mga kawani’t opisyal nito sa mga mamamayan.

Gagawin nitong mas madali ang pagkuha ng mga dokumentong may kinalaman sa interes ng publiko, kagaya na lang ng mga kontrata sa mga proyekto ng pamahalaan, detalye ng budget, at tsaka nga pala ang SALN ng mga opisyales ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, mas mapapadali ang paglaban natin sa katiwalian dahil agad na nakukuha ang impormasyon.

Higit pa rito, nabubuksan ang pinto sa higit na epektibong pakikilahok ng mamamayan na esensyal sa isang matinong demokrasya.

Ilang Kongreso na ang nakaraan subali’t bigo kaming ipasa ang panukalang ito. Maraming dahilan pero hindi na ako dadako roon.

Ngayon namang ika-16 na Kongreso, tuloy ang laban. Masigasig ang mga pinagmanahan ko ng FOI Bill. Nariyan pa rin sina Cong. Teddy Baguilat ng Ifugao, Cong. Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands, Cong. Walden Bello ng Akbayan, Cong. Cinchona Cruz-Gonzales at Sherwin Tugna ng CIBAC, Cong. Emmeline Aglipay ng DIWA, Cong. Neri Colmenares ng Bayan Muna, at marami pang iba.

Maliban pa sa kanila, may mga bagong mukha sa laban. Natutuwa akong magiging bahagi na ng Kamara ang biyuda ni Sec. Jesse, si Congresswoman-Elect Leni Robredo, na noong nagkita kami sa burol ni Sec. Jesse ay una niyang nabanggit sa akin ay gusto niya ang FOI ad ko at ngayon ay nagsabing siya din ay maghahain ng FOI Bill.

Sa labas ng Kongreso, nariyan ang Right to Know, Right Now! Coalition, isang multi-sektoral na grupong patuloy na tumitindig at kumikilos upang maipasa na sa wakas ang pinakahihintay nating batas na makatutulong sa paglaban sa katiwalian at mas magbubukas ng pinto para sa pakikilahok ng mamamayan sa pamamahala.

Sila ang naging inspirasyon ko habang nakaupo ako bilang Kongresista sa ating laban para sa pagkakaroon ng pamahalaang bukas at tapat.

Ikinagagalak ko rin ang muling pag-reorganisa ng kauna-unahan at natatanging pambansang samahan ng mga kabataang bahagi ng panawagan -- ang FOI Youth Initiative (FYI). Nitong ika-15 Kongreso, noong nagsimula sila noong Agosto 2012 hanggang matapos panandalian ang laban nitong Pebrero, umabot sa 71 ang mga organisasyon ng kabataan at mag-aaral na bahagi nito.

Ngayong Hunyo, sa loob ng wala pang dalawang linggo at habang hindi pa nagsisimula ang ika-16 na Kongreso, nasa 53 na ang kanilang mga kasa­ping organisasyon! Tunay ngang isyu rin ng kabataan ang FOI!

Ngayong patapos na ang aking termino (huling sesyon na namin ngayong linggong ito), hindi ako nag-aalala para sa kilusang lumalaban para sa FOI. Nariyan ang mga magaga­ling na mambabatas na sinsero sa pangako ng daang matuwid.

Nariyan ang mga grupong aktibong kumikilos para maipasa na ang panukalang ito. Nariyan pa rin ako bilang ordinaryong mamamayan para tumulong at sabihing: “Tuloy ang laban!”

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...