Freedom of Information o FOI. Ano ito?
Nakasaad sa ating Saligang Batas na may karapatan tayo sa impormasyong hawak ng pamahalaan ukol sa mga bagay na may epekto sa buhay natin bilang mamamayan. Mula sa sahod at ari-arian ng mga inihalal na opisyal hanggang sa detalye ng budget, proyekto at kontrata ng gobyerno, mahalagang malaman natin ito upang maging tunay na bahagi ng pagbabantay ng kaban ng bayan.
UPD CSSPSC Chairperson and FYI Convenor Carlo Brolagda with Deputy Speaker Erin Tañada, principal author of the FOI Bill. |
Subalit hindi sapat na nakasaad lang ang karapatang ito sa ating Konstitusyon. Kailangang may ipasang batas ang Kongreso o tinatawag na 'enabling law' upang ito ay mabigyang buhay at maisakatuparan. Ang batas na ito ang dapat magtakda kung hanggang saan ang 'freedom' na ito sapagkat tanggapin natin, may mga impormasyon na hindi dapat kaagad nalalaman ng lahat, halimbawa, 'yung patungkol sa seguridad ng bayan -- bilang ng armas at ating tropa, saan sila naka-deploy at iba pa.
Lahat tayo panalo 'pag may FOI: May kakayahan ang mga mamamayang magbantay sa kanilang mga inilagay sa puwesto at magkakaroon ng kapangyarihan ang mga mamamayang labanan ang katiwalian. Ayaw na natin na secret ang mga SALN ng mga kawani at opisyal ng pamahalaan.
Isa ring kasangkapan ang FOI upang maging bukas sa pakikilahok ng mamayan ang pamamahalaan. Kapag mayroon tayong tamang impormasyon tungkol sa mga gawain at galaw ng gobyerno, may pagkakataon tayong magbigay ng mungkahi o puna upang mas mapabuti pa ang serbisyo para sa mamamayan.
Marami na ang nananawagan sa pagpapasa ng FOI Bill at lubos kong ikinagagalak na may bagong nabuong kampanya ang sektor ng kabataan para sa adhikaing ito.
Kamakailan lamang, nailunsad ang FOI Youth Initiative (FYI), pambansang samahan ng mga organisasyon ng mga kabataan sa mga paaralan at pamayanan at ang Disclose All Records (DARE) ng University Student Council ng UP Diliman. Nandiyan din ang Kabataang Liberal at ang Filipino Liberal Youth na aktibo rin sa kampanya. Layunin nilang idagdag ang boses ng kabataan sa panawagan para ipasa ang batas na ito.
Ang FYI mismo ay mahusay ang iba't ibang anyo ng pagkilos -- mula sa pagdalaw sa mga mambabatas upang mag-abot ng kanilang liham na nakasaad ang kanilang posisyon sa isyung ito hanggang sa paggamit nila ng social media kagaya ng Facebook at Twitter para mahikayat ang kapwa kabataan nilang makilahok sa kanilang kampanya.
Tunay na mahalaga ang pagkakaroon ng FOI para sa kanila dahil sila mismo ang magmamana ng kinabukasan ng ating bansa. Ang kabataan din ang mamumuno at papalit sa amin sa pamahalaan sa hinaharap at mainam na ang kultura ng pagkakaroon ng bukas at direktang pananagutan sa mga lingkod-bayan ay nasa sa kanila na.
Hinihikayat ko ang iba pang sektor na gayahin ang mga mas nakababata sa atin sa kanilang kampanya para sa FOI. Sino ba naman ang aayaw sa isang batas na nag-iinstitusyonalisa ng mga mekanismo para sa isang pamahalaang bukas at may pananagutan? Wala naman, hindi ba?
Kaya tara, kasama ng kabataan, magtulungan tayo upang maisabatas ang FOI para tuluy-tuloy ang tuwid na daan.