18 September 2013

[FYI in Pilipino Star Ngayon] Kamara ‘di makikialam



by Butch Quejada, Gemma Garcia

MANILA, Philippines - Hindi makikialam ang Kamara kung may makakasuhang incumbent Congressmen kaugnay sa pork barrel scam. Tiniyak ni House Speaker Feliciano Belmonte, kapag may nakaupong kongresista na nakasuhan ay makikisimpatiya siya sa mga ito subalit hindi siya gagawa ng anumang hakbang para tulungan ang mga ito at makialam sa kaso.

Lahat naman umano sila ay accountable sa kanilang mga aksyon bilang mambabatas kaya aminado ito na batik sa buong Kamara ang pork barrel scam.

Hindi naman umano malaki ang epekto nito sa kapulungan dahil nakararami sa 292 kongresista ay matino ang paggamit sa kanilang pork barrel.

Samantala, muling nabuhayan ng pag-asa ang grupong FOI Youth Initiative sa pahayag ni Belmonte na nais niyang pagbotohan sa 16th Congress ngayon ang Freedom of Information bill.

“Nagkaroon kaming muli ng pag-asa sa pakikibaka para sa transparency at accountability,” sabi ni Alan Pangilinan, FYI convenor at UPD CSSPSC Councilor.

Ikinasiya ng FYI na isasama na sa talakayan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang naturang panukalang-batas.

“Dapat maunawaan ng mga opisyal ng gobyerno ang matinding pangangailangan sa batas na ito dahil sa mga isyu ng katiwalian tulad ng sa PDAF scam,” sabi pa ni Pangilinan na nagdagdag na silang mga lider-kabataan ay patuloy sa pagsusubaybay sa prosesong dadaanan ng FOI bill sa Kongreso.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...