02 October 2013

[FYI in Former Rep. Tañada's Abante Column] Kandila para sa People’s FOI Bill


TAPAT DAPAT column of former Deputy Speaker Erin Tañada
From http://www.abante.com.ph/issue/oct0213/op_et2.htm.

Noong nakaraang Biyernes, 27 September 2013, hindi ko nadaluhan ang isang aktibidad na nais ko sanang puntahan -- ang pagtitipun-tipon upang magsindi ng kandila sa harap ng Kongreso upang hilingin ang mas kongkretong aksyon dito hinggil sa People’s Freedom of Information (FOI) bill. Ako ay isa sa mga ordinaryong mamamayang nag-endorso nito pero nagkataong mayroon akong naging kompormiso na hindi ko na maiurong. Masaya ako noong naiulat sa akin na kahit na umuulan, natuloy ang pagsisindi ng kandila at pagtitipong ito.

Hiniling ng mga miyembro ng Right-to-Know Right Now Network na maisama na sa First Reading at ma-refer na ito sa Committee on Public Information ang People’s FOI Bill. Ayon sa Section 11 ng Republic Act 6735 (The Initiative and Referendum Act) na kung saan ang petisyon para sa People’s FOI bill ay inihapag, kahit anong may akreditasyong people’s organization ay maaaring maghain ng petisyon para sa tinatawag na “indirect initiative” sa House of Representatives. Susundin nito ang proseso na katulad ng isang ordinaryong panukalang batas na naihapag sa Kongreso, subalit ang nasabing “initiative bill” ay may prayoridad kumpara sa iba pang mga nakahapag na panukala sa Komite.

Mga pananalita, pagsasayaw at flash mob ang nangyari sa harap ng Kongreso habang inihahapag ang kahili­ngang sundin ang nasa batas hinggil sa indirect initiative. Syempre, may kantahan din. Heto ang lyrics ng isang kantang nilikha ng mga kabataang miyembro ng FOI Youth Initiative:

TAYO NA PARA SA FOI

Music & Lyrics: CSSP Student Council
Producers: FOI Youth Initiative & Right to Know Right Now Coalition


Nais namin ng pamahalaang may pananagutan.
Bakit ito ipinagkakait, ‘di ba’t ito ay aming karapatan?
Ito ang aming awitin. 
Pakinggan ang tinig namin.

Tayo na, tayo na, tayo na, kabataan.
Tayo na, tayo na, isulong ang panawagan at ipaglaban.
Ang dapat malaman ng mamamayan ay makakamtan lang kung ating buksan.
Tayo na, ipasa na, para sa bayan.

Nais namin na magkaroon ng bukas na pamahalaan,
‘yong walang tinatago at tapat sa mamamayan.

Hayaan kaming silipin,
Impormasyong dapat ay abot namin.

Tayo na, tayo na, tayo na, kabataan.
Tayo na, tayo na, isulong ang panawagan at ipaglaban.
Ang dapat malaman ng mamamayan
Ay makakamtan lang kung ating buksan.
Tayo na, ipasa na, para sa bayan.

Kung walang tinatago, wala ring dapat ikatakot.

Tayo na, tayo na, tayo na, kabataan.
Tayo na, tayo na, isulong ang panawagan at ipaglaban.

Tayo na, tayo na, tayo na, kabataan.
Tayo na, tayo na, isulong ang panawagan at ipaglaban.
Ang dapat malaman ng mamamayan
Ay makakamtan lang kung ating buksan.
Tayo na, FOI, para sa bayan.

FOI, ipasa na para sa bayan.

Sana ay matapatan ng Kongreso ang naging aksyon ng Senado na ngayon naman ay naunang gumalaw hinggil sa panukalang ito. Bago sila nag-recess, na-sponsor nakaagad ni Senator Grace Poe ang FOI Bill.

Sa totoo lang, noong ika-13 at 14 na Kongreso, nauuna ang House of Representatives na ipasa ang FOI. Ngayon ay mukhang mababaligtad ang sitwasyon. Huwag naman sana. Pero para sa akin, mas maagang mapagdebatehan ang panukalang ito, mas mabuti para naman mawala ang agam-agam ng ibang iniisip na maaari itong maabuso at maipagpatuloy natin ang kampanya para sa tuwid na daan.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...