Naranasan mo na bang magmahal? Oo? Talaga?
Sige nga, gamitin mo ang imahinasyon mo saglit. Kunyari, mayroong manliligaw sa ‘yo. Susuyuin ka niya nang bongga. Matatamis na salita, mababangong pangako. Ikaw naman, todo kilig, sinagot mo rin eventually. Tapos ayan na, mag-jowa na kayo—holding hands, MOMOL... holding hands ulit. Ang saya-saya niyo lang ‘di ba?
Pero later on, parang may weird—yung tipong hindi ka mapalagay. So malamang itatanong mo si jowa, “Beh, ano na?” Parang bored ka na kasi. Walang growth yung relationship. Kaso, si jowa naman magbibigay ng assurance na everything’s fine.
Hindi e. Nakukutuban mong parang ‘di siya masyadong honest. Kaya ayan, dineretso mo na siya. “Beeeh? May tinatago ka ba sa ‘kin?” Wala raw. Huwag ka raw praning, friend.
‘Di naman pwedeng biglang pakialaman mo nang walang paalam ang cellphone niya para mag-imbestiga ‘di ba? Siyempre ang gusto mo, kapag tinanong mo siya kung okay lang bulatlatin ang inbox niya, papayag agad siya dahil wala naman siyang tinatago. Pero pag ‘di siya pumayag, ayan, paranoia mode: on—feeling mo bigla may nilalandi siyang iba. OMG!
Eh ikaw naman ‘tong makulit na humingi ng permiso kung keri lang sa kanya na sumilip ka sa messages niya. Boom. Biglang nairita siya sa ‘yo. Aray. However, may mali ka rin naman dahil may konsepto pa rin naman ng privacy.
Pero sa pagitan mo at ng gobyerno, ibang kaso naman ‘to. Hindi jowa ang gobyerno na pwedeng basta-basta na lang maglihim sa ‘yo. Bakit?
Ikaw, ang nanay mo, tatay mo, si ate, yung mga kumare mo, yung tricycle driver sa kanto, si Jennifer, yung batang nakaputi na nasa likod mo habang binabasa mo ‘to nang mag-isa sa kwarto… Teka, sino si Jennifer? . . . Anyway, going back. Ikaw at ang lahat ng mamamayang Pilipino ang naglagay sa mga pinuno natin sa pamahalaan. Ikaw at ang lahat ng mamamayang Pilipino ang pinanggagalingan ng kapangyarihan ng gobyerno, sabi nga sa Konstitusyon natin.
Oo, niligawan tayo ng mga nakaupo ngayon sa posisyon. Sinuyo nila tayo nang bongga. Matatamis na salita, mababangong pangako. Tayo naman, todo kilig, binoto rin natin sila eventually. Tapos ayan na, nanalo na ang mga nanalo… Tapos pag may tanong ka sa kanila, minsan, ang biglang sagot: “Secreeet! Walang clue! Hindi ko sasabihin! Habulin mo muna ‘kooo!” Ay, teka, sorry. Mali. Iba na yun. Pero parang ganun din naman.
Secret? Secret?! Anu-ano ba ang nililihim?
SALN o Statement of Assets, Liabilities, and Networth ang madalas na naririnig natin noong impeachment trial ni Renato Corona. Secret kasi ang SALN niya. Tapos biglang nagkahamunan na na maglabas na rin ng SALN ang elected officials gaya ng mga nasa Kongreso. Bakit ba? Ano bang mayroon sa SALN na ‘yan? Pera-pera’t lupa-lupa lang nila ‘yan ‘di ba? Gaga. Malay mo ba kung pera na natin yun. Sa bawat taon nila sa pamahalaan, makikita mo sa SALN kung biglang lumalaki ang pera at ari-arian nila na hindi naman naaayon sa sahod nila at sa kung anuman ang mga raket nila on the side. Yung tipong “Bakit biglang may bonggang condo na si Ma’am, e mababa lang suweldo niya bilang public official tapos ang sideline lang niya ay pagbebenta ng laman. . . ng manok para sa isaw.” Malay natin, baka may nakurakot na siya.
Ang tanong mo naman, “Bakit ba? Ako ba dapat humuli sa kanya? Whistleblower ang peg? Ma-effort ha.” Ang sagot: Oo! Huwag kang umarte. Eh pera mo ang ninanakaw e. O sige, wala ka pang work at ‘di pa nagbabayad ng tax? Eh ‘di pera ng mga magulang mo ang ninanakaw! Keri lang sa’yo yun? Hindi ‘di ba?
Kaya naman kailangan natin ang FREEDOM OF INFORMATION LAW. Kapag mayroon nito, mas madaling ma-access ang mga dokumento at impormasyon mula sa pamahalaan natin. Hindi lang SALN ang pwedeng makita. Marami pang iba kagaya ng mga kontrata sa mga proyekto, para makita natin hindi lamang yung gagastusin at kung tama ba ang presyo, kundi kung may proyekto nga ba talaga. Simpleng paliwanag pa lang ito ng FOI. Hindi rin naman ito kumplikado, pero mahalagang gets muna natin kung bakit ‘to kailangan.
Kagaya lang ng pagkakaroon ng jowang nanligaw sa ‘yo, kapag sinagot mo na, gusto mo ng tiwala. ‘Yan din ang hinahanap natin sa pamahalaan—ang mapagkatiwalaan natin ang mga opisyal at kawani sa paglilingkod nila sa atin dahil tayo, sabi nga nung jowa nating lahat na nasa Malacañang, ay mga ‘boss’ nila. Sa relasyon din nating mga mamamayan sa gobyerno, gusto rin natin ng growth—yung may magagandang pagbabago kagaya ng pagsasabatas ng FOI.
Tulong-tulong tayo na mapasa ang FOI Bill para yung nanligaw sa atin noong eleksyon at yung mga tinalaga nila sa iba’t ibang ahensiya, mababantayan natin.
Sama-sama rin nating dispatsahin ang mga MH—ang mga malalaking hadlang na ayaw sa pagkakaroon ng openness sa mga tanggapan ng gobyerno natin.
Tara, kumilos tayo para magkaroon ng batas na FOI para sa isang pamahalaang bukas at may pananagutan sa mamamayan!
Sana gobyernong may FOI ka na lang… Bakit? Kasi gusto ko open ka sa ‘kin para close tayo!
[Gets mo na? Keri! Pero mas maganda kung mabasa mo muna ang aktwal na FOI Bill. May kopya rito. 'Yan ang version na tatalakayin pretty soon sa House of Representatives Committee on Public Information this October. Let's cross our fingers... No, wait. Let's be there also to show our support and to pressure our legislators! Fight!]
No comments:
Post a Comment