Kami ang FOI Youth Initiative (FYI), isang pambansang ugnayan ng mga samahan ng mga kabataan at mag-aaral na nananawagan para sa pagkakaroon ng pamahalaang bukas at may pananagutan sa pamamagitan ng pagpapasa ng People's Freedom of Information Act.
Nakikibuklod kami sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa paghangad ng mga mas matatag na mekanismong magbibigay-daan sa pamamahalang bukas at tapat sa mga mamamayan.
Sumasang-ayon kaming nararapat na mainsitusyonalisa sa pamamagitan ng People's FOI Act ang ating karapatan sa impormasyon na nakapaloob sa Saligang Batas upang matiyak na ang pagiging bukas ng mga pampublikong opisyal at kawani ay maging praktika at hindi lamang simpleng diskresyon ng mga indibidwal na saklaw ng kanilang termino ng panunungkulan.
Naniniwala kaming ang People's FOI Act ay isang paraan para mawaksi ang katiwalian at maisulong ang pakikilahok sa pamamahala kung saan tunay na makikinabang ang bawat Pilipino.
Tumututol kami sa paglagay ng probisyon ng Right of Reply na labag sa Saligang Batas at kontra sa kalayaan ng pamamahayag sa loob ng FOI Bill dahil pinalalabnaw nito ang diwa ng isang panukalang batas na naglalayong palakasin ang karapatan sa impormasyon ng lahat ng Pilipino.
Hinihiling namin kay Pangulong Benigno S. Aquino III na higitan ang simpleng deklarasyon ng suporta sa pagsasabatas ng FOI Bill sa pamamagitan ng pagtatakda ritong "certified as urgent" sa pagsasakatuparan ng kanyang pangako ng pagbabago sa mga mamamayan.
Umaapela kami sa lahat ng Senador at Kinatawan ng Ika-16 na Kongreso na agad na ilagay ang FOI Bill bilang pangunahing bahagi ng adyendang panlehislatibo at tanggalin ang lahat ng balakid na humaharang sa pagpapasa nito.
Higit sa lahat, nananawagan kami sa aming mga kapwa lider sa hanay ng kabataan na sumama sa amin sa laban para maisabatas na ang People's FOI Act na tuluyang magbabago sa ating pamahalaan para maging institusyong karapat-dapat sa tiwala ng mga mamamayang pinaglilingkuran nito.